Labing-Dalawang Buwan
- Tula ni Yanna Pola
- Aug 21, 2017
- 1 min read

Unang buwan ako’y iyong napatawad
Hindi ko inaasahan ito ang bungad
Simula ng pagsulat ng aking palad
Ito ang hudyat ng pagiging alagad
Pangalawang buwan dito nagsimula
Pag-ibig na hindi ko inaakala
Pilit kong iniwasan dahil di tama
Naging sandalan taga salo ng luha
Pangatlo, buwan ng aking kaarawan
Ano bang maiguguhit na larawan?
Tila binigyan mo ng kaligayahan
Ngunit alam kong walang patutunguhan
Sa pang-apat, buwan ng iyong kaarawan
Impit na ngiti dahilan ng kalungkutan
Isipan ko ay puno ng katanungan
Tikom ang bibig para sa’ting samahan
Sa pang-lima, ikaw ay tila nawala
Dahilan para aking mata ay lumuha
Sa paglipas nanumbalik ang tawa
Nung ika’y nawala ngayo’y nagbabadya
Sa ika-anim, muli tayong nagkita
Iniwasan kita ngunit di ko kaya
Hanggang sa ako’y kinausap mo na
At ang lahat-lahat dito nagsimula
Ika-pito, bumuo ng alaala
Sa iyong sinambit ako’y naniwala
Ginawa ko ito dahil mahal kita
Ngunit bakit ako ay umuusisa
Sa pang-walo unang hawak sa kamay mo
Noon ay pinapangarap ko lang ito
Nakakahibang at ito ay totoo
Tanong ko lang ako na ba ang mahal mo?
Sa ika-siyam, lagi tayong masaya
May binigay ako sarili kong likha
Basahin mo kapag ika’y nawawala
Munting regalo alay ko sayo sinta
Sa pang-sampu, tuluyan ka ng nawala
Bakit, bakit ganun? Lahat ba’y kulang pa?
Pagod na ako, ngunit ikaw pa rin sinta
Nasaan ka na ba? Mahal pa rin kita
Ika-labing-isa, ikaw ay bumalik
Puso ko ay may sakit, lungkot, at saltik
Laman nito ay ikaw pa rin ang pitik
Dapat bang pagbigyan iyong pagbabalik?
Hindi ko alam ang nararamdaman ko
Dapat ba na pagbigyan ang mga ito
Huling hiling paramdam mo sa puso ko
Tamang panahon hinihintay nito
Comments